Magkano ulit ang kape?
Hindi mapag kakaila na madami sa atin ang adik sa kape. Kape, sa unang tingin pero kung bibigyan mo ng mas malalim na pansin, maiintindihan mo na hindi lang kape ang starbucks.
Sumasalamin sa starbucks ang mas malalim na pangangailangan ng madami na maging marangya kahit sandali lang. Magandang dekorasyon, komportableng upuan, konting konti na lang para ka nang nasa Amerika. Mura nga naman ang isang basong kape kung mararanasan mo ang buhay marangya – kahit saglit lang.
Subukan mong sabihin na bulok ang starbucks at pauulanan ka ng madaming pintas ng mga panatiko. Ignorante, mangmang, walang alam at marami pang bagay ang ipupukol sa’yo para patunayan na super sarap tudamaksimum ang kape ng starbucks at wala ng mas masarap pa dito. Buong puso silang naniniwala kahit di naman talaga nila alam.
Ang starbucks isa ng relihiyon.
Aaminin ko na masarap ang kape, pero kape lang yun. Kadalasan, patakbo mo itong kukunin papunta sa opisina at hindi tulad ng madami sa atin na kung makatambay sa kapihan e parang may contest ng trip to Jerusalem. Agawan sa upuan. Patagalan. Nag uunahan sa labas para duon umupo o di naman, kahit sa may bintanang salamin na lang. Mas kita, mas ayos. Tumatanaw ng mga dumadaan habang humihigop ng kapeng malamig. Malamig kasi dalawang oras ng iniinom.
Hindi ko kayang isulat lahat pero alam mo di ba? alam mo na masarap tumambay sa starbucks dahil alta sociedad.
Tulad ng maraming bagay, hindi naman tayong lahat, pero madami sa’tin.
San nga ba nagpupunta ang mga taong nasa starbucks nuong wala pang starbucks….?
Makapagtimpla nga ng milo.