Matapos mangyari ang lahat, akala ko nasabi na din ang lahat.
Napuno ang mga instrumento ng pagpapahayag ng mga batikos sa pamahalaan at kapulisan. Telebisyon, radyo, dyaryo at internet – nabanggit na sa lahat. Alam na ng lahat. Hindi na ako nagsasalita dahil alam kong wala din naman akong maitutulong. Alam ko din na walang buti’ng idudulot kung uulitin ko lang ang sinabi ng iba, magtutunog sirang plaka lang ako at hindi rin naman ako sang-ayon sa pagsambit ng paulit ulit ng mga bagay na negatibo.
Mas pinili kong manahimik…. hanggang kahapon. Kahapon, napalitan ang lungkot ng galit.
Sige na, di tayo marunong.
Sige na, lahat tayo nagkakamali.
Sige na, wala tayong gamit.
Sige na sa lahat.
Mapapalagpas ko.
Hindi kasi tayo naturuan.
Tao kasi tayo.
Salat kasi tayo sa pera (wag na natin ipasok ang korupsyon)
Hindi ka pwedeng magtaka kung ang laman ng bao ay ampaw.
Nabanggit pa nga ng isang beteranong crisis negotiator na nagpamalas ng tapang ang mga pulis – kulang lang talaga sila sa kaalaman at gamit.
Pero ang magpakuha ng litrato na parang ”souvenir” sa lugar ng trahedya ay isang malaking insulto sa mga nawalan at kahihiyan ng marami sa’tin – lalo na kung katatapos pa lang ng pangyayari at hindi pa naghihilom ang mga sugat. Hindi naman kailangan ng talino o’ yaman para maging sensitibo. Alam ko na kapos tayo sa madaming bagay pero hindi sa puso. Ayaw kong maniwala na wala tayong pagmamalasakit.
Hindi natin ginusto ang nangyari. Hindi man yan maintindihan ng mga naulila, mauunawaan yan ng may malawak na kaisipan. Pero paano mo ipapaliwanag ang larawan ng ilang pulis sa lugar ng trahedya – habang nakangiti.
Ayaw ko maniwala na bastos tayo, pero ang mga pulis na nasa larawan, ayun – pilit pinapatunayan na mali ako.
Kalabisan naman.