“basta ako tol, pag tatlong araw na, wala pa ring tao – pack up mo na ko”
Tandang tanda ko pa ang biruan namin ni RJ sa lamay ng bunso kong kapatid. Nagbiro kami dahil sa dami ng pumunta sa lamay ni Richter. Mga taong hindi ko kilala. Mula sa mga skater boyz na walang pamasahe hanggang sa mga propesor. Mula sa nakahubad ng pang itaas hanggang sa naka barong. Pati ang mga taong nakabanggaan nya ng opinyon, nandun – nagbibigay respeto.
Nagbabalik na naman ang mga alala ni Richter. Sunod sunod na naman akong nakakatanggap ng liham sa mga dati nyang kaibigan. Hinahanap kung saan sya huling nagpapahinga. Yung iba kaibigan sa highschool. Yung iba, nung kolehiyo. Yung iba, hindi man lang nabalitaan. Lahat nagsasabi na naging malaking impluwensya si Richter sa buhay nila. Yung isa, sa musika. Yung isa, sa relihiyon. Yung isa, kursong kukuhain sa kolehiyo.
Lahat sila si Richter ang hanap.
Siguro, nagsasabi lang sila ng mabuti kasi umalis na ang kapatid ko. Ganyan naman talaga. Pero andami? hindi nga? seryoso?
Nakakahiya na nakapang hihinayang. Lumalabas na di ko kilala ang sarili kong kapatid. Nag dududa ako sa mga papuri sa kanya.
Yung iba, buhay pa pero nakakalimutan na. Yung iba naman- malakas pa, pilit naman kinakalimutan.
Yung kapatid ko, paglipas ng limang taon, buhay pa rin.
“What we do in life, echoes in eternity.”
Totoo nga siguro.