Minsan, totoo na meron kang nalalagpasan. Minsan, mugugulat ka na meron ka pa lang ginto sa baul. At ganito nga ang nangyari.
Akala ko.
Malaki ang potensyal. Sinimulan ko buuin ang litrato. Mula sa pinaka maliit na bagay, hanggang sa malaki. Bawat kanto, bawat antas ng liwanag at dilim – sukat. Ang proportion at pagkakapantay pantay ng mga bagay? halos ikabulag. Binalik balikan ng madaming araw. Baka excited lang dahil bago. Pero habang tumatagal, habang binubuo – lalong gumaganda. Lalo akong ginaganahan. Konti na lang. Malapit na. Pagdaan ng maraming oras – natapos din.
Ang ganda. Tama ang sukat. Tama ang liwanag. Tama ang dilim. Pantay naman. Iniisip ko na kung gelatin print o’ pigment print sa papel na may OBA ang kailangan para mas maganda. Pero teka, pahinga muna.
Babad sa monitor. Tingin tingin. Ligo-tingin-kain-tingin… parang may kulang. Maganda naman, pero parang may kulang talaga. Di ko lang alam. Technically superior naman, naglalaro sa 235 hanggang 240 ang highlights at may shadow detail na nasa 10-25. Andaming pero. Parang tennis sa pag aalinlangan kung pangit ba o’ hindi – pabalik balik.
At sa biglang bugso ng lakas ng loob – ipost na sa facebook yan!
Pag dating sa facebook – pangit. Pangit ang compression ng facebook. Nagsisikan ang tono, nabasag ang mga detalye at sumagad ang highlights. Pangit ang litrato. Talo.
Pero nakita ko ang kulang.
Nakita ko na nakasandal ang ganda ng litrato sa teknikal nyang aspeto. Malinaw na kapag ito ay nawala ‘o nabawasan man lang, guguho ang buong larawan. Parang walang pakiramdam. Walang emosyon na ibinibigay. Walang kaluluwa. At yun na nga ang kulang.
Dahil sa realidad man o’ litrato, hindi lang teknikalidad ang nagpapanalo.
Pambihira, simbahan pa naman.
St. Andrew – Singapore 2011