“Daddy, kelan ka uwi?”
Tanong yan ng panganay kong anak habang nasa Pilipinas ako. Ang ibig n’yang sabihin ay kailan ang balik ko sa Beijing para magtrabaho. Uwi.
Laging me kalapkip na saya ang salitang “uwi” para sa akin. Elementarya, Highschool at Kolehiyo panalo ang uwian. Kahit sa trabaho, pag uwian na… masigla na. Sino ang di masaya pag uwian na?
Pero sa pagkakataon na ‘to – nadurog ata ang puso ko. Ang matanong kung kailan ang uwi mo samantalang nasa bahay ka – ang lungkot.
Meron na din akong 7-8 taon sa Beijing. Maliliit pa ang mga bata ng ako’y umalis. Para saan? ang sagot ko ay tulad din ng sagot ng madaming pinoy na nasa labas ng bansa – para maghanap-buhay.
Tulad ng maraming bagay, pagpili lang yan. Pili ka. Pinas, hirap pero kasama ang pamilya o’ sa labas, ginhawa pero malayo. Pinili ko ang labas, gusto ko din kasi ng maginhawang buhay at mas magandang laban ng mga bata. Di naman ako pinanganak ng mayaman kaya di ko kayang kumuha ng dalawang bagay ng sabay. Pili nga lang talaga.
Taon taon, umuuwi ako at masaya kong nalalaman na ako pa rin ang bida sa mata ng mga anak ko. Dito, isa akong empleyado. Dun, lahat kaya ni daddy. Sabihin mo kay daddy. Isumbong mo kay daddy. Si daddy ang bahala.
Ako si superman.
Hanggang kelan ako dito? seryoso… di ko din alam. At hanggat di ko alam, mananatiling “bahay” ko ang isang lugar kung saan di ako isang superhero.