Pinili ko dito. Ni hindi pumasok sa isip ko manirahan sa ibang bansa. Nagkaroon ng pagkakataon, pero di ko man lang sinilip. Gusto kong umuwi. Tutulong ako – ika ko pa.
Lumaki sa mga sundalo at mga guro, may kapatid na naligo sa idealismo, higit sampung taon na naglingkod sa gobyerno, mentor ko Alpha Sigma pa – alam ko ang paglilingkod.
“Di ka pwedeng magreklamo kung di ka kikilos”
Sinubukan ko naman, di lang kinaya. Nakakapagod din kasi. Parang ikaw pa ang mali pag nagbibigay puna. Parang ikaw pa ang “epal” kapag nagbibigay ka ng mas mabilis na paraan. Parang lahat nasanay na sa sablay. Di lang naman ako puro daldal. Nakikipag usap din naman ako sa dapat kausapin. Pero yun nga, puros tango pero ala din. O’ baka kulang lang ako sa follow-up.
“Dalawang taon pa, masasanay ka din” – ika ng tropa.
Pero tanungin mo ang lahat, alam nilang mali. Alam nila. As in alam nila. Nakakalito. Di naman kailangan maging matalino para malaman na sablay. Napansin ko ng madaming beses. Pero sige lang. Andar lang. Walang tumatayo. Pag ikaw ang tumayo – ikaw ang magulo. Kultura siguro. Di ko alam. Nakakatawa na nakakalungkot.
… it seems the Filipinos love their chains – or something along those lines, ika nga nung binaril sa airport tarmac.
Minsan, nasabi ko na di magtatagal gago na din ako. Di magtatagal, di na din ako aangal. Di na din ako kikilos. Hahayaan ko na lang. Kanya kanya na. Di ba’t wala ng mas malungkot dun?
Nasa apat taon na din nung bumalik ako. Wala pa din akong nagagawa kundi para lang sa sarili. Nakakahiya.
Baka gago na nga ako.