Semana santa na naman. Hwebes-santo ngayon.
Di naman talaga ako relihiyosong tao, pero ngayon, mas pansin ko na ang panahon na ‘to.
3 semana santa’ng nagdaan, umakyat ang bunso kong kapatid sa bundok ng pananampalataya. Siguro, para patatagin ang kanyang paniniwala. Nanghihina siguro sa mga bagay na nakikita at nararanasan. Bakit ganun, bakit ganto. At bagaman patuloy na lumalaban para sa pagbabago, napapagod din. Tao lang.
Sa pag alis nya, kinalikot ko ang kanyang mga gamit. Bagay na ikaiinis nya kung makikita nya ako. Sa kanyang kabinet, sa tabi ng madaming libro, dun sa gilid ng kanyang aparador na kaka-unti ang damit, nakuha ko ang kanyang mga sulat. Sa isang kwadernong mayroo’ng drawing ni Scooby-doo ibinubuhos ng kapatid ko ang kanyang kaluluwa. Mga tula, saloobin, panghihinayang at pag asa ng isang dalawampu’t tatlong taon na binata. Nakita ko ang kanyang opinyon sa maraming bagay – sa pulitika, relihiyon at gobyerno. At bagaman kilalang rebelde sa pamilya, walang akong nabasang masamang damo para sa sinoman.
Meron syang liham ng pasasalamat sa aming ama at ina. Isang bagay na lagi kong nakakaligtaan gawin. Nakakahiya.
Sa kwaderno, meron syang mga posisyon na bagaman aking sinasang ayunan, ay di ko kayang gampanan. Isa na dito ang pagkilos sa pagbabago, “wala kang karapatan magreklamo kung di ka kikilos” ika nya – naaalala ko pa. May pamilya na kasi ako, iba na ang ihip ng hangin. Pero minsan, naaisip ko, mas madaming nag ambag ng pagbabago na merong pamilya. Parang mas dapat nga akong kumilos dahil isa akong ama. O’ siguro, duwag lang talaga ako. Mas nanaisin kong manuod sa isang tabi at manalangin na manalo sana ang grupo kina-aayunan ng aking opinyon.
Mas nakilala ko ang aking kapatid sa pagbabasa ng kanyang mga isinulat. Sabi nga nila, ang pagkatao ay ikaw sa panahon ng iyong pag iisa.
Naaalala ko pa nuong nag-usap kami bago sya nawalan ng malay, tinanong ko kung ano ba ang ginagawa nya dun at ang sabi nya “pilgrimage yun kuya.”
Isang makabuluhang paglalakbay patungo sa isang sagradong lugar na mayroong malaking kahalagahan sa paniniwala at pananampalataya ng naglalakbay.
Siguro, nakarating na nga ang utol ko.