What inspires you?
Naks, ingles na masyadong pang malawak, so medyo liitan natin. Ilagay natin ang potograpiya sa usapan. Yan, interesado na tayo 🙂
Para sa ating hindi PRO, kailangan natin ng inspirasyon para kumilos. Hindi kasi ito tulad ng trabaho na gagalaw tayo kahit hindi natin “feel.” Passion kasi ang nagpapatakbo sa atin.
Pano mo malalaman kung passion o hindi?
Papasok ka ba araw araw dyan sa opis kung hindi ka nila babayaran?
Pipitik ka ba kahit na walang bayad?
Ayan, may sagot ka na.
Di maikakaila na may mga panahon na mas excited kang mag-shoot kaysa iba. Minsan, talagang wala kang maisip na konsepto o wala kang bago. Meron din namang panahon kung kailan halos lumabas sa tenga mo ang mga idea, nag uunahan maging totoo.
Pinagkaiba? Inspirasyon.
Maraming pinagkukuhaan ng inspirasyon. Bagong gamit. Bagong basa ng magazine o bagong lugar. Yung iba sa positibo kumukuha, yung iba sa negatibo. Kung saan ka man humahatak ng inspirasyon, isa lang ang sigurado. Hindi sa bawat panahon inspired ka.
Paano na?
– Tumingin ka sa mga gawa ng mga photographer na inilalagay mo sa pedestal. Makihalu-bilo ka sa mga tulad mong mayroong parehong hilig.
– Sumali ka sa mga online forum at maging aktibo sa pagtatanong at pagsagot sa mga bagay na alam mo. Maramin kang mapupulot dyan.
– Manuod ka ng mga video tutorials online. Andami nyan. Hindi ba’t pagkatapos mong manuod ng Jordan Classics e nangangati ka ng humawak ng bola? Ganun din ang epekto nun.
– Sumali ka sa mga online contest. Manalo o’ matalo cute ka pa rin naman. Aminin man natin o hindi, importante sa atin ang tingin ng iba. Yung palakpak nila. Tao kasi tayo – social animals, sabi nga nila
Ang punto, sa panahon na walang pumapasok sa’yo – kumilos para umandar.
Kasing halaga ng inspirasyon ang suporta ng iyong pamilya. Lalo na ng iyong asawa – o’ sinoman na kasama mo sa buhay. Mas madali kasing pumasok ang inspirasyon kung kakampi mo ang mga taong mahalaga sa’yo. Wala kang aalalahanin. Makakapag focus ka. Kung wala ka nito, mahirap. Hindi imposible, pero mahirap.
Kunin mo ang suporta nila.
Mapalad ako dahil mayroon din akong mga nakakasalubong sa daan na nagbibigay ng kapiraso nila sa akin. Mga beterano sa industriya, na walang kiming nagbibigay ng tulong. Payo man o kwento. Lumabas ka. Makipag usap. Hindi lahat ng aspeto ng potograpiya ay teknikal.
Pero bago ka kumuha ng lakas galing sa labas, unahin mo muna ang loob – ang sarili. Makikita ito ng iba tapos maniniwala sila sayo.
Sa dulo ng daan. Sa ilalim ng balon. Sa katapusan ng istorya. Ikaw pa din ang bida sa kwento mo.
Ikaw lang ang makakapagsabi kung ayaw mo na.
At ikaw lang ang makakapag sabi kung balang araw, ikaw naman ang magiging inspirasyon sa iba.