“Do you want to meet Mr. Kenna?”
At ganun na nga ang nangyari nakaraang Linggo. Sa bisa ng panyaya ng isang gallery na kumakatawan sa aming mga gawa, nagkaroon ako ng pagkakataon personal na makilala ang isang idolo.
Sinimulan ni Michael ang pagsasalita sa isang pasasalamat – sa mga dumalo at pagkakataong naibigay sa kanya ng gallery. Ipinakiusap din nya sa lahat ng dumalo na patuloy na sumuporta sa gallery kung saan sya kasalukuyang nagsasalita. “This is very important” dagdag pa nya.
Sa biglaang dinig, iisipin mong parang isang malaking advertisement para sa gallery. Parang halik sa pwet ng may-ari. Pero sa kabilang banda, isa din itong lehitimong pagtawag ng suporta sa sining. Sining ng potograpiya. Wala naman syang sinabing tangkilikin ang sariling gawa.
Umpisa pa lang, alam ko na – may mapupulot ako dito.
Hindi ko na hihimay-himayin ang mga sumunod na nangyari. Ibabahagi ko na lang ang mga bagay na narinig ko ayon sa aking interpretasyon kahalo ng sarili kong pananaw.
* Laging magpasalamat.
* Magtiyaga. Higit sampung taon syang naglingkod sa iba. Taga print.
* Magbalik sa komunidad. Magbigay kung kaya. Pagyamanin ang komunidad kung saan ka nabibilang. Mali siguro isipin na “kalaban” o kompetensya ang kapwa artista. Magtulungan. Isiping katuwang ang kapwa sa pag-angat ng kamalayan. Lalo na sa potograpiya kung saan madami pa ring pagtatalo kung sining o hindi.
* Magbilad sa iba pang porma ng sining. Makinig, manuod, magbasa. Ang mga nakikita, naririnig at nararanasan ay halo-halong humuhulma ng iyong pagkatao na magdidikta ng iyong sining.
* Magbigay ng pagkilala sa mga nauna sa’yo. Ang impluwensya nila ay hindi masusukat.
* Kilalanin ang mga kasabay mo.
* Mas madalas sa minsan, wala sa gamit yan.
* Gumamit ng mga bagay na komportable sa’yo.
* Hindi mo kasing galing ang sarili pagkatapos ng matagal na panahon na di pag gawa. Kakalawangin ka, kahit hindi ka bakal.
* Nasa print ang magic. Kung di mo lubusan maintindihan, tanungin mo ako mamaya. Mahaba kasi ipaliwanang.
* May tsamba.
* Madalas maka tsamba ang mas madalas sumubok.
Sa dulo, napatotohanan ang mga bagay na matagal na nating alam. Ang iba naman na nabanggit ay nag-iimbita ng mas malalim na pagsusuri. Kung ano pa man, naging makabuluhan ang hapon na yon dahil bukod sa tangan kong librong may lagda – kasama din nito ang kaalaman ng isang taong pumitik at patuloy na pumipitik sa loob ng tatlumpo’t limang taon.
At syempre, di ko na papalagpasin ang pagkakataon. Sa likod ng aking mga gawa, may nangyaring di ko inaasahan. Inimbitahan ko syang mag-pa picture. Pinoy e! 🙂
Sensible, informative. Totoo. Ty.
o! sa wakas, sinimulan mo na ding mag-facebook!
Inspiring! Very informative, Sir!