Matapos ang madaming panahon ng pag-amba.
Nang di mabilang na yayaan.
Nang walang katapusang “tara na.”
Kahapon, dalawang oras at kalahati pagtapos ng alas dose ng tanghali, sinugod naminang Miyun.
Biglaan. Parang kidlat. Pagtawag ni Dom, pinag usapan kung saan at ayun na. Pinilit naming dumami pero hindi kaya. Ang iba, meron ng mga plano. Palubog na din ang araw kaya wala ng panahon na dapat aksayahin. Larga na!
Unang beses ko sa Miyun, kaya di ko alam kung ano ang aasahan. Sabi nila, maganda daw. Pagkaraan ng 2 oras na byahe, Miyun na.
Sa reservoir kami dinala ni Dom. Sa kalsada pa lang, nanaisin mo ng bumaba. Ang tubig sa pagitan ng mga bundok na naliliwanagan ng pang alas kwatro’ng araw. Gintong lupa sa kulay asul na langit. Hangin na di kalamigan at mas sariwa sa Beijing. Maganda.
Meron lang problema – bawal.
Papasok ay may bakod na bakal. Paikot. Parang perimeter fence na may’roong sign sa main entrance in Chinese. At dahil hindi namin kayang basahin, dedma lang. Kumbinasyon ng malaking kandado at sign, alam ko na ang sinasabi – “wag kayong magulo, bawal dito.”
Pero may kakaibang tawag ang bagong lugar at palubog na din ang araw. Kailangan nang mag desisyon ng mabilis. Biglang lumakad ang mga paa ko. Palapit. Sinuot ko na ang ilalim ng gate. Pasok! Sa loob, dahan dahan kaming lumapit sa tubig. Mayroon kasing mga bahay. Pag may bahay, malamang may tao. Pag may tao, baka maunsyami ang lakad namin. Malapit sa tubig maraming nangingisda – hay! salamat at semi-bawal lang pala. Mayroon pa nga kaming mga nakasalubong na mga Hapon.
Nagkanya kanya na kami. Walang pansinan sa loob siguro ng tatlumpung minuto. At pagkatapos kumuha ng “winning” shots namin – mini tutorial na.
Nagtagal pa kaming ng 30 minutes, at pag tuntong ng alas singko. Nag lakad na kami paakyat. Pack-up na. Sa pagkakataon na ito, di na ako sumuot sa gate. Sumampa naman ako, hehe. Isang oras lang kami sa lugar pero nakuha namin ang tamang oras. Yung “Golden Hour” sa photography ika nga.