“di ko rin alam sasabihin ko tol”
“Buhay dre. Buhay”
Sa labas ng ospital dito sa Beijing sinabi ni Owen sa’kin yan. Nasa loob ng ICU ang nakatatanda nyang kapatid na si Jojie.
Bumisita si Ate Jojie dito kamakailan lang. Wala pa nga sigurong isang buwan. Bumisita na din daw si Ate Jojie dito sa China dati, nuong nasa Chengdu pa sila Owen. Umuwi na lang hanggang sa magsawa. Sa totoo lang, di ko naman talaga kilala si Jojie. Minsan ko lang s’ya naka kwentuhan, dun sa kusina nila Owen, habang nakiki-kain ako. Di ko na nga maalala kung ba’t ako andun. Siguro merong darts.
Sa kusina, pinakilala ako ni Owen at yun nga, ate nya. Malinaw pa sa’kin nang tinanong ako ni Ate “Daher pangalan mo? pilipino ka ba?” medyo nagkatawanan ng konti kasi nag uusap na kami ng tagalog nung panahon na yun. Siguro nagtaka kung ba’t Daher ang pangalan ko. Di kasi pangkaraniwan sa pinoy.
Matapos ng panahon na yun at paglipas pa ng mga ilang araw, nagkikita pa rin kami ni Ate tuwing naka kila Owen ako. Bagaman, wala ng masyadong kwentuhan, andun pa rin ang batian na tila matagal na kaming magka-kilala.
Nung nakaraang araw, umalis na si Ate. Umalis sa kahulugang, malaya na s’ya sa mundong ‘to. Matatag na tinaggap ni Owen. Di ko nga s’ya nakikitaan ng panghihina kahit alam ko na masakit.
Oo, alam ko.
Dumaan ako sa parehong mga yapak 3 taon na ang nakalilipas.
At bagaman tulad ng una kong sinabi na di ko masyadong kilala si Ate Jojie, alam kong mabuti s’ya.
Naniniwala ako na di magkalayo ang magkapatid.