Galing ako ng Trinoma kanina, andaming tao. Linggo kasi at panahon ng sahod. Sa gitna ng mall ay may made-up na stage – mukang may show pa! At kagaya ng inaasahan, dagsa ang mga taong hindi umaandar. Nakatayo. Nakatingin.

Wala pang tao sa entablado nyan. Sa patuloy kong paglalakad, biglang may nagsigawan, “tili” nga ata ang mas tamang salita. May mga nagkakagulo sa may bandang harapan. May celebrity ata na parating. At ayun na nga, kasama ng apat na bodyguards, dumaan sa harapan ko ang isang lalaki. Naka salamin, pakaway kaway habang ang mga tao ay tumitili at panay ang picture sa kanya.

Mukang sikat pero di ko kilala. Pagtapos ng eksena, tuloy lang ako ng lakad. Sariwa pa ang nangyari kaya pinag uusapan pa ito ng mga nakakita. May narinig akong nag-uusap, “ang pogi nya ano” sabi ng isa “oo nga, pero sino ba yun?” ika ng pangalawa. Akala ko, tulad ko, baka di nya lang kakilala. Hanggang sa may narinig na naman ako na nagsabi “sino ba yun?”

Ang nakalilito; isa sya sa mga tumitili kanina.

Napaalalahanan ako ng isang video na kamakailan ko lang napanuod: http://www.youtube.com/watch?v=XYU1a0lTTTw

Ganyan ata ang buhay. Madalas tayong madala ng alon. At hindi din nalalayo ang photography. Sa panahon ng social media, madami ang nakikilala sa dami ng kakilala. Ang karamihan, tanyag, pero kung iisipin, walang gawa na nagmamarka sa alala.  Pag nagsama sama ang iba’t-ibang gawa ng marami, mahihirapan maituro at masabing “ito! ito ay kay …”

Sana, pagdating ng panahon, makilala ang pangalan natin dahil sa ating mga gawa; hindi kabaliktaran. Mas magandang malaman na sinundan ang ating mga likha patungo sa ating pangalan.

At sana nga ay dumating ang panahon.

Weston_Pepper_30_1930

Weston – Pepper Number 30, 1930